Umaabot sa higit 9,000 pasahero ang naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) na bumiyahe mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-6:00 ng umaga sa ilalim ng “Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2020”.
Sa datos ng PCG, nasa 5,338 outbound at 4,256 na inbound passengers ang kanilang naitalang bumiyahe sa mga pantalan sa buong bansa.
Nasa 1,461 naman na personnel ng Coast Guard ang kanilang itinalaga kung saan nasa 153 na vessels at 19 na motor bancas ang kanilang nainspeksyon.
Bukod sa pagbabantay, sinisiguro rin ng Coast Guard na naipapatupad ang implementasyon ng minimum health protocols para sa kaligtasan ng mga pasahero ngayong may banta pa rin ng COVID-19 pandemic.
Ilang oras bago ang kapaskuhan, nagpapatuloy ang mabilis at maaasahang serbisyo ng mga PCG frontline personnel sa NAIA para sa ligtas na pag-uwi ng OFWs sa kasagsagan ng pandemya ngayong holiday season.
Katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno, sinisiguro ng PCG na mananatiling mahigpit ang pagpapatupad ng health protocol at safety measure sa paliparan at mga quarantine hotel para sa kapakanan ng publiko.