Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng 93,894 na quarantine violators simula nuong Setyembre 16 hanggang kahapon Setyembre 23 kasunod nang pagpapatupad ng pilot implementation ng Alert Level System sa Metro Manila.
Mula sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar na nag-a-average sa 11,712 kada araw ang kanilang naaaresto na mas mababa kumpara noong nasa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) ang National Capital Region (NCR) na nasa 12,600 violators kada araw.
Sinabi pa ni Gen. Eleazar, 51% mula sa 93,894 na quarantine violators ay binigyan lamang nila ng warning habang 43% ang kanilang tiniketan at 6% lamang ang dinala sa police station.
Aniya, sa walong araw na pagpapatupad ng Alert Level System sa kalakhang Maynila ay maituturing namang generally peaceful.
Samantala, sa pinakahuling datos, nasa 220 mga lugar ang nasa ilalim ngayon ng granular lockdown na matatagpuan sa 82 barangay mula sa siyam na siyudad sa Metro Manila.
Nasa higit 2,000 households o katumbas ng 8,550 indibidwal ang apektado ng ipinatutupad ngayong granular lockdown.