Minaso, pinagulungan ng trak, at nilublob sa tubig.
Ito ang sinapit ng mahigit anim na libong nakumpiskang ilegal na pampaingay at paputok sa isinagawang Ceremonial Destruction ng mga awtoridad sa Dagupan City matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Pinangunahan ng mga kawani ng PNP, BFP, at Pamahalaang Panlungsod ang pagsira sa kabuuang 6,603 na piraso ng paputok, muffler, at mga boga na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱91,543. Ang mga ito ay nakumpiska sa pinaigting na kampanya kontra ilegal na pampaingay mula Disyembre 27 hanggang Enero 6.
Ayon kay Dagupan City Police Office Chief, PCOL Orly Pagaduan, naging matagumpay ang kanilang operasyon matapos makamit ang zero casualty sa lungsod ngayong Bagong Taon.
Samantala, pinuri naman ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya at tiniyak ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa kampanya laban sa ilegal na paputok.
Sa huling tala ng DOH–Ilocos Region, umabot sa 297 ang naitalang kaso ng firecracker-related incidents sa rehiyon—ngunit wala ni isa ang nagmula sa Dagupan City, Pangasinan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










