Manila, Philippines – Aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) at ng Department of Finance (DOF) ang mahigit P2 bilyon subsidiya sa mga pampasaherong jeep sa bansa.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Spokesperson Atty. Aileen Lizada, layon nitong maialis ang mga bulok na PUV para ay mailayo rin sa peligro ang mga pasahero.
Aniya, magbibigay ng subsidiya ang gobyerno sa 250 jeepneys sa tatlong pilot areas — ito ay ang Senate-Philippine International Conference Center area, Taguig-Pateros at Pateros-Fort Bonifacio ngayong taon.
Sa unang bugso ng programa, maaaring makapagloan ang driver o operator ng p1.2 hanggang P1.6 milyon na depende sa standard ng jeep na maaprubahan.
Paliwanag ni Lizada, P80,000 ang sasagutin ng gobyerno habang ang balanse ay maaaring bayaran sa loob ng pitong taon.
Pero kailangan aniya munang makabuo ng kooperatiba para maka-utang sa bangko.
Tiniyak naman ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Sec. Mark De Leon, na kikilos rin ang DTI board of investment para mabigyan ng incentives ang mga manufacturers.
Inaasahan ng LTFRB na pagsapit ng taong 2019 ay aabot sa 28-libong jeepney drivers at operators ang makikinabang sa modernization program.
*