Umabot sa 2,800 deactivated voters sa Mangaldan, Pangasinan ang hinihikayat na magpa-reactivate ng kanilang voting status bago ang nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre 2.
Ayon kay Gloria S. Cadiente, Election Officer IV, awtomatikong nade-deactivate ang isang rehistradong botante kapag hindi ito nakaboto sa dalawang magkasunod na eleksyon.
Binigyang-diin ang kahalagahan ng aktibong pakikipagtulungan ng mga barangay upang maabot at maipaalala sa mga residente ang proseso at kahalagahan ng muling pag-activate ng kanilang karapatang bumoto.
Handa rin umano ang opisina ng Commission on Elections na magsagawa ng continuing voters’ registration sa mga barangay, at hinihikayat ang mga ito na magsumite ng pormal na kahilingan kung nais magkaroon ng local satellite registration.
Sa kaugnay na pagpupulong, kinilala ang limang barangay na nanguna sa bilang ng mga bagong rehistradong botante mula Oktubre 2025 hanggang Pebrero 23, 2026.






