Higit dalawang libong punla ng puno, naitanim sa paligid ng Ipo watershed sa isinagawang tree-planting activity ng mga empleyado ng RMN

Manila, Philippines – Nasa 2,500 samplings o mga punla ng puno ang naitanim sa isinagawang tree-planting activity ng mga empleyado ng RMN sa Ipo Watershed sa Norzagaray, Bulacan kahapon.

Bahagi pa rin ito ng ika-65 anibersaryo ng RMN katuwang ang Maynilad.

May tema itong “plant for life” na bahagi ng inisyatibong i-rehabilitate at paramihin ang mga puno sa Ipo watershed.


Ayon kay Engr. Sarah Duroy, corporate quality environment safety and health specialist ng Maynilad, layon ng aktibidad na mapigilan ang anumang insidente ng landslide o flashflood lalo na tuwing may bagyo.

At bilang isa sa pangunahing pinagkukunan ng tubig, nais nila na matiyak na malinis ang tubig na maisusuplay nila sa kanilang mga konsyumer.

Samantala, nagpasalamat naman si Ms. Carmela Cabatcan, CSR head ng RMN Foundation sa oportunidad na ibinigay ng Maynilad para maging bahagi ang RMN sa layunin nilang mapangalagaan ang kalikasan.

Kabilang sa mga itinanim ay mga puno ng Tibig, Narra, Cupang at Acasia.

Target ng Maynilad na makapagtanim ng 130,000 na mga puno ngayong taon.

Facebook Comments