HIGIT ISANG DAANG DIABETIC PATIENTS SA LA UNION, NABIGYAN NG LIBRENG EYE SCREENING MULA SA DOH REGION 1

Nagsimula nang mamahagi ng serbisyo publiko ang Department of Health Center for Health Development Region 1 ng isang libreng eye check-up sa lalawigan ng La Union.
Inumpisahan ng ahensya ang naturang aktibidad na Retinopathy Screening o isang check-up sa mga mata ng mga residente ng bayan ng Luna sa lalawigan kung saan nasa isang daan at limampu’t limang mga pasyenteng may diabetes ang nabahagian ng serbisyo.
Ayon kay Francisco de Vera Jr., Regional Program Manager of Essential Noncommunicable Disease, mas paiigtingin umano nila ang serbisyo dahil sa layunin mas maraming mabigyan ng pagkakataon na makapag-patest ng kani-kanilang mga mata.

Dagdag pa nito na marami umano sa grupo ng mga senior citizens ang nanlalabo na ang mga mata dahil sa katandaan. Aniya, kailangan pa umanong dumaan sa eye screening ang mga ito upang mabigyan ng eyeglasses na pasok sa grado ng kanilang mata.
Ang libreng screening ng retinopathy ng diabetes ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa Ophthalmology Department ng Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) na inumpisahan na rin noong Nobyembre 10, 2022.
Nanawagan naman si DOH Regional Director Paula Paz M. Sydiongco sa lahat ng mga pasyenteng may diabetes sa rehiyon na mag-avail ng libreng mobile eye screening.
Ayon pa sa kanya, marami pa umanong mga komunidad ang bibisitahin ng ahensya ngayong taon at maghahanap pa ng mga outpatient, lalo na ang mga nakatira sa GIDA o Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o nasa malalayong lugar. |ifmnews
Facebook Comments