Nakarating na ang tulong pinansyal ng national government sa mga apektado ng El Niño sa Bulalacao sa Oriental Mindoro.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Bulalacao Mayor Ernilo Villas matapos ang deklarasyon nila ng State of Calamity noong Lunes ay mabilis na umaksyon ang national government upang tulungan ang 927 na magsasaka.
Ayon kay Villas, magbibigay ang Department of Agriculture ng tig-limang libong pisong tulong pinansyal sa mga apektadong magsasaka at dagdag na ₱3,000 na fuel assistance.
Bukod pa aniya ito sa ibibigay food packs mula sa Department of Social Welfare and Development at financial support ng DOLE sa ilalim ng Tupad program.
Kasabay nito, umapela si Villas na madaliin na rin ang pagpapalabas ng crop insurance na ₱20,000 para sa 314 na magsasaka.
Nabatid na pumalo sa ₱100 million ang nalugi sa mga magsasaka sa bayan ng Bulalacao dahil sa matinding pinsala ng El Niño.