Higit isang libong paaralan, nai-convert na bilang isolation facilities

Umaabot sa kabuuang 1,212 na mga paaralan sa buong bansa ang nai-convert na bilang isolation and vaccination facilities.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Education Usec. Alain Pascua na ito ay katumbas ng 6,148 na mga silid aralan.

Ayon kay Pascua, karamihan sa mga paaralang ginawang isolation facilities ay mula sa Region 8 o 422 na mga paaralan.


Sinundan naman ito ng Region 5 na may 216 na mga nai-convert bilang isolation facilities.

Giit ni Pascua, dito sa Metro Manila ay kakaunti lamang o apat lamang na mga paaralan ang ginawang isolation facility dahil mas maraming pasilidad ang nakalaan o ginawa rito ng pamahalaan bunsod na rin ng dami ng kaso ng COVID-19.

Samantala, ang mga kondisyon namang inilatag ng DepEd para gawing isolation facility ang isang paaralan ay dapat appropriate ito na maging isolation facility o may tubig, malapit sa health facility at malayo sa komunidad.

Ang LGU aniya ang siyang mamamahala rito at huling opsiyon na ang mga paaralan na gamitin bilang isolation facility.

Hindi rin aniya dapat pagsabayin ang aktibidad sa paaralan o hindi maaaring gawin itong isolation facility habang magsasagawa rin ng vaccination activity.

Facebook Comments