Sa unang tingin pa lamang ay nakatutukso na ang mga patupat na karaniwang ipinapares sa mainit na kape.
Bagama’t may kaunting hamon sa pagbabalat dahil sa pagkakabuhol-buhol ng dahon ng niyog, nananatili itong paborito ng marami dahil sa lambot at kakaibang lasa nito.
Sa pagdiriwang ng Patupat Festival sa bayan ng Pozorrubio, mahigit isang libong piraso ng patupat ang inihanda at inilatag ng Lokal na Pamahalaan bilang handog sa mga dumalo sa kasiyahan.
Agad itong pinilahan at tinangkilik ng mga residente at bisita na sabik makatikim ng lokal na kakanin.
Ang patupat ng bayan ay gawa sa malagkit na bigas na binalot sa dahon ng niyog at niluluto sa tubo o sugarcane, na nagbibigay ng natural na tamis at natatanging texture na ipinagmamalaki ng mga taga-Pozorrubio.
Sa ganitong mga okasyon, umaasa ang mga gumagawa ng patupat na mas lalo pang lalakas ang bentahan nito, hindi lamang sa bayan kundi maging sa mga karatig-lugar, kasabay ng patuloy na pagpapakilala sa isang tradisyong tunay na kinagigiliwan.









