Lugmok ang ilang residente sa bayan ng Asingan matapos na manalasa ang isang buhawi na nag-iwan ng limang kabahayang nasira, mga punong nagbagsakan at ilang pananim din ang pinadapa dito, na batay sa paunang assessment ay umabot sa higit isang milyon ang danyos.
Ayon Dr. Jesus Cardinez, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer, na limang pamilya ang pansamantalang inilikas sa barangay hall ng Carosucan Norte matapos masira ang kanilang mga bahay dahil sa buhawi.
Pinagsusumite din nila ng report ang mga barangay ng sa gayon ay maisumite din ito sa tanggapan ng DSWD, upang mabigyan ng tulong ang mga pamilyang naapektuhan ng buhawi.
Sa naging assessment naman ng Municipal Agriculture Office ng bayan na sa apat na barangay na kinabibilangan ng Carosucan Norte, Calepaan, Toboy At Macalong ay Malaki ang danyos sa mga taniman.
Kabilang sa mga pananim na napinsala ay ang taniman ng yellow corn na tinatayang aabot sa 35 hectares ang apektado, taniman ng mga gulay, saging at manga at ilang alagang hayop din ng mga residente ang nasaktan.
Sa ngayon ay ginagawa na ang assessment at pakikipag ugnayan sa mga apektadong magsasaka upang malaman ang kabuuang danyos at makapag request na din ng mga tulong tulad na lamang ng binhi upang muling itanim.