Tinatayang aabot sa isang milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang mawawalan ng trabaho pagdating ng Disyembre 2021.
Ito ang nakikita ng Department of Labor and Employment (DOLE) bunsod ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers’ Affairs (OWA), sinabi ni Alice Visperas, Director ng Department of Labor and Employment – International Labor Affairs Bureau (DOLE-ILAB) na inaasahang aabot sa 1,005,031 displaced OFWs.
Higit 32,000 ay manggagaling ng Asya, higit 170,000 naman sa Europe at Americas, at higit 800,000 sa Middle East.
Nasa 40% ang sea-based OFWs, habang 60% ang land-based.
Sa datos din ng DOLE, ang actual OFW displacement mula nitong Mayo ay umabot na sa 323,537 kung saan 238,362 ay mula sa Middle East.
Sa taya ng kagawaran, inaasahang tataas pa ito ng 609,317 pagdating ng Disyembre 2020 at 846,429 ng Hunyo 2021.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang OFW assistance and recovery programs ng pamahalaan kabilang ang financial assistance sa mga COVID-19 infected OFW, financial assistance para sa mga displaced OFW, food, medical at repatriation assistance.