
Ilulunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang “Bayanihan SIM project” kung saan ipamamahagi ang libreng SIM cards sa mga estudyante at guro na nasa malalayo at liblib na lugar sa bansa.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DICT Usec. Paul Joseph Mercado, mahigit isang milyong libreng SIM cards ang nakatakdang ipamahagi ng pamahalaan na may 25-gigabytes monthly subscription.
Magtutulungan ang DICT at Department of Economy, Planning, and Development (DepDEV) sa pagtukoy ng mga liblib na lugar na uunahin sa pamamahagi ng SIM.
Sa ngayon, pinaplantsa na lang ang Terms of Reference (TOR) at distribution guidelines para mailunsad ang proyekto sa dulo ng ikalawang quarter o bungad ng ikatlong quarter ng taon.
Samantala, puspusan na ring tinatrabaho ng DICT ang pagdadagdag ng mga digital infrastructure, gaya ng cellular towers, sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs), para makapagbato ng signal at magamit ng mga benepisyaryo ang ibibigay na SIM.









