Inihayag ng National Electrification Administration (NEA) 56% na ng power consumers mula sa mga sinalanta ng Bagyong Rolly ang naibalik ang kuryente.
Ayon sa NEA – Disaster Risk Reduction and Management department, mula sa 2,091,769 power consumers na naapektuhan ng Bagyong Rolly ay nasa 1,191,527 na ang kanilang naibalik.
Karamihan nito ay nasa Bicol Region, CALABARZON, MIMAROPA at Eastern Visayas.
Dagdag pa ng NEA, sa ngayon ay may 900,269 households na lang na karamihan ay sa Catanduanes, Camarines Sur, Albay at Sorsogon ang wala pang supply ng kuryente.
Pagtitiyak naman ng ahensiya, patuloy pa rin ang pagsasaayos ng mga nagtulong-tulong na Electric Cooperatives sa ilalim ng “Power Restoration Rapid Deployment, Task Force Kapatid”.
Base sa pagtaya ng NEA, pumalo na sa P344.691 million ang pinsala sa mga Power Facilities ng iba’t ibang electric companies na dinaanan ng Bagyong Rolly.
Habang sa panig naman ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ganap nang naibalik ang supply ng elektrisidad sa franchise areas na sakop ng Camarines Sur Electric Cooperative o CASURECO 1 at CASURECO 4 sa Bicol Region.