Tinatayang 115 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱782 milyon ang nasabat matapos matagpuan ng mga mangingisda sa magkakahiwalay na bahagi ng baybayin ng Bolinao at Agno, Pangasinan noong Hunyo 5, 2025.
Dakong ala-1 ng hapon sa Barangay Balingasay, Bolinao, dalawang sako ang narekober mula sa dagat. Natuklasan ng mga awtoridad na naglalaman ito ng 50 vacuum-sealed packs ng hinihinalang shabu, nakalagay sa mga pakete na may label na “Freeze-Dried Durian” at “Refined Chinese Tea.” Tinatayang nasa ₱340 milyon ang halaga nito.
Makalipas ang halos 30 minuto, isa pang mangingisda sa parehong barangay ang nagsuko ng dalawang sako na may 43 vacuum-sealed packs, nakabalot sa berdeng pakete ng “Daguanyin Refined Chinese Tea,” na tinatayang nagkakahalaga ng ₱285.6 milyon.
Bandang alas-3 ng hapon sa Barangay Boboy, Agno, tatlong mangingisda ang nakakita rin ng dalawang sako ng shabu sa dagat. Sa loob nito, natagpuan ang 23 kilo ng hinihinalang droga sa gintong pakete na may label na “Freeze-Dried Durian” at numerong 66 sa asul na tinta. Tinatayang ₱156.4 milyon ang halaga nito.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng bahagi ito ng isang mas malawak na drug smuggling operation sa dagat. Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga ebidensiya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








