Higit limampung libong locally stranded individuals, napauwi na sa iba’t ibang lalawigan

Nakapagtala na ang Hatid Tulong Project ng higit limampung libong Locally Stranded Individuals (LSIs) na napauwi na sa kani-kanilang mga probinsya.

Kasunod ito nang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na pauwiin sa mga lalawigan ang mga LSIs na naipit sa Metro Manila mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Hatid Tulong Project Chief at Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo na ang humigit kumulang limampu’t tatlong libong LSIs ay napauwi sa tulong na rin ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan.


Maliban dito, nagkakaloob din ng sila ng food at cash assistancesa mga LSIs.

Paliwanag ni Encabo, batid nila ang hirap ng mga LSIs dahil panigurado ay wala ng pera ang mga ito matapos ma-stranded sa Metro Manila ng ilang buwan.

Kasunod nito, umaapela ang opisyal sa mga LSIs na habaan pa ang kanilang pasensya at pang-unawa dahil ginagawa naman lahat ng pamahalaan upang sila ay mapauwi sa kani-kanilang mga lalawigan.

Ito rin ang dahilan kung bakit pansamantalang inihinto ang Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program upang mabigyang prayoridad ang mga LSIs.

Facebook Comments