Pinamamadali ni Congressman Wilbert “Manoy” Lee ang pagpapalabas ng coco levy funds gayundin ang health and medical benefits na nakalaan para sa mga magsasaka ng niyog.
Ito ay kasabay ng selebrasyon ng 38th Philippine Coconut Week.
Panawagan ito ni Lee makaraang aprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang isang bilyong pisong increase para sa mass coconut planting and replanting program at ₱2.5 billion para sa fertilization program.
Ipinunto ni Lee na kung gusto natin na maging top exporter ng niyog ay dapat tutukan din ng gobyerno ang kapakanan at kalusugan ng ating mga magniniyog bukod sa suporta sa pagtatanim.
Diin ni Lee, napakalaki ng ambag sa ating ekonomiya ng industriya ng niyog kaya dapat ibigay ang suportang para sa mga coconut farmers lalo’t dumadaing sila sa mababang presyo ng kopra at sa dagdag pasaning dulot ng El Niño at sa banta ng paparating na La Niña.
Una rito ay inihain ni Lee ang House Resolution No. 1673 na nagsusulong na imbestigahan ng Kamara ang atrasadong implementasyon ng health and medical services para sa mga coconut farmers at kanilang pamilya na nakapaloob sa “Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act” na pinagtibay ng Executive Order No. 172.