Cauayan City, Isabela- Umabot na sa mahigit P125 milyon ang naipamahaging Livelihood Assistance Grant (LAG) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) sa apat (4) na probinsya sa buong Cagayan Valley region.
Ito ay batay sa datos na inilabas ng ahensya simula Enero hanggang Agosto 2021.
Sa Cagayan, nasa 5,048 household o katumbas ng P49,612,100 ang naipamahaging tulong ng ahensya habang sa lalawigan ng Isabela ay nakatanggap ang nasa 5,440 households o katumbas ng tinatayang P53,489,754.
Nakapagpamahagi rin ang ahensya sa Nueva Vizcaya kung saan 2,275 households ang nakatanggap ng kabuuang P21,900, 450 at sa lalawigan naman ng Quirino ay nakatanggap ang nasa 705 households o katumbas ng P6, 695, 500.
Ang LAG ay isa sa mga recovery and rehabilitation programs ng pamahalaan na may pangunahing layunin na magsilbing tugon para sa mga pamilya na nanganganib mawalan o tuluyang nawalan ng pagkakakitaan o kabuhayan dulot ng community quarantine.
Samantala, tuloy -tuloy naman ang ginagawang paghahanda ng ahensya para sa repacking ng Family Food Packs bilang paghahanda sa Bagyong Isang.