Nasabat ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang nasa higit P16 milyun halaga ng kush o highgrade marijuana.
Ang nasabing iligal na droga ay nakalagay sa isang balikbayan box na nagmula sa Pair Cargo Warehouse sa Pasay City.
Kaugnay nito, nasakote rin ng mga awtoridad ang consignee ng balikbayan box matapos niya itong tanggapin ng i-deliver sa kaniyang bahay sa Antipolo, Rizal.
Nabatid na dumating ang kargamento sa NAIA mula California, USA kung saan una itong ideklara bilang mga “personal effects”.
Pero ng dumaan ito sa x-ray screening at physical examination ng Customs, dito na nadiskubre ang nasa 12,000 gramo ng pinatuyong dahon ng high grade marijuana.
Kasalukuyan ng iniimbestigahan ng mga awtoridad ang hindi na pinangalanang suspek na siyang tumanggap ng iligal na droga.
Muling iginiit ng BOC sa ilalim ng pamumo ng bagong commissioner na si Bienvenido Rubio na hindi nila hahayaan na makapasok ang anumang iligal na kargamento sa bansa kung saan mas lalo pa nilang hihigpitan ang pagbabantay upang maiwasan ang smuggling.