Ang pamahalaang lungsod ng Alaminos, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga non-government organization, ay nagsasagawa ng rehabilitasyon para sa mga komunidad na naapektuhan ng Bagyong Emong.
Ayon kay Mylene Manalastas ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), nagpapasalamat sila sa lahat ng tumulong at nagpaabot ng malasakit. Matapos ang pananalasa ng bagyo, naranasan ng buong lungsod ang kawalan ng kuryente at mahina hanggang sa walang cellular signal, dulot ng mga natumbang poste at punong bumagsak sa mga linya ng kuryente at komunikasyon.
Batay sa datos ng CDRRMO hanggang Agosto 2, aabot sa 31,658 pamilya ang naapektuhan at 13,253 na kabahayan ang nasira, kung saan 1,541 ang tuluyang nawasak at 9,553 ang bahagyang nasira.
Umabot sa PHP15.2 milyon ang pinsala sa palay, PHP4 milyon sa mga gulay at punong namumunga, PHP13.5 milyon sa mga asinan, at PHP46.6 milyon sa sektor ng pangisdaan. Ang kabuuang pinsala sa imprastraktura sa mga barangay ay tinatayang nasa PHP26.2 milyon, habang umabot naman sa PHP43.3 milyon ang pinsala sa mga pasilidad sa kabundukan.
Samantala, ang Hundred Islands National Park at mga pasilidad sa Lucap Wharf ay nagtamo ng pinsalang aabot sa PHP14.7 milyon.
Dahil sa matinding pinsala, idineklara ang lungsod sa ilalim ng State of Calamity noong Hulyo 27.
Kaugnay nito, natapos nang mabigyan ng relief packs ang lahat ng barangay at sinusubaybayan ng lokal na pamahalaan ang panunumbalik ng suplay ng kuryente sa buong lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









