
Tatlong katao ang arestado sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operation sa Pangasinan noong Pebrero 9 at 10, kung saan umabot sa 31.96 gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na ₱196,928 ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Pinakamalaking nasamsam ang operasyon na ikinasa sa bayan ng Calasiao kung saan isang 47-anyos na vendor at residente ng bayan ang naaresto.
Ayon sa ulat, nakumpiska sa suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 10.79 gramo at nagkakahalaga ng ₱73,372.
Bukod pa sa ilegal na droga, narekober din ang isang caliber .45 pistol, mga bala at iba pang ebidensya.
Sumunod dito ang isa pang operasyon sa parehong bayan kung saan isang 48-anyos na housemaid at residente ng Sta. Barbara, Pangasinan ang nadakip at nakumpiskahan ng dalawang piraso ng plastic sachet ng hinihinalang shabu.
May kabuuang timbang ang mga ito na 10.67 gramo na may halagang ₱72,556. Bukod dito, kasama sa nasamsam sa operasyon ang buy-bust money at isang cellphone.
Samantala, sa bayan naman ng Rosales, isang 29-anyos na tricycle driver ang aretado kahapon ng gabi ng pinagsanib na pwersa ng Rosales MPS at PDEA RO1.
Nakumpiska mula sa suspek ang 7.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱51,000.00, gayundin ang buy-bust money, cellphone, at isang motorized tricycle.
Ang mga operasyon ay isinagawa ng kani-kanilang Municipal Police Stations sa koordinasyon sa PDEA RO1 kung saan isinagawa ang mga imbentaryo at pagmamarka ng mga ebidensya sa lugar ng operasyon sa presensya ng mga itinakdang saksi at ng mga suspek, alinsunod sa batas.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at iba pang umiiral na batas. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










