Higit P20-B na tax rap, inihain ng BIR sa DOJ laban sa mga ghost corporation na nag-iisyu ng pekeng resibo

Personal na naghain ng reklamo si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr., sa Department of Justice (DOJ) laban sa apat na “ghost” corporations na may tax liability na aabot sa P25.5 bilyon.

Sa pahayag ni Lumagui, ang apat na ghost corporation na ito ay nag-iisyu ng mga pekeng resibo upang makaiwas sa pagbabayad ng buwis.

Dagdag pa ni Lumagui, inatasan na niya ang BIR legal group na sampahan ng kasong kriminal ang mga indibidwal na nasa likod ng iligal na gawain.


Ito’y sa ilalim ng Sections 254, 255, at 267 o ang National Internal Revenue Code of 1997.

Giit ni Limagui, ang taxpayers at businesses na gumagamit ng gawa-gawang resibo ay isasailalim sa pag-audit kung saan suportado niya ang buong pwersa ng BIR para mapanagot ang mga ito.

Aniya, mayroon din silang listahan ng buyers at sellers na gumagamit o nag-iisyu ng gawa-gawang resibo at ang target nila ay matigil na ito at mapanagot sila sa batas.

Nabatid na nag-ugat ang pagsasampa ng kaso ng ikasa ng BIR sa pangunguna ni Commissioner Lumagui ang raid noong December 2022 sa isang condominium unit sa Quezon City kung saan nakumpiska ang libo-libong nabanggit na resibo.

Matapos ang raid, dito na nadiskubre ng BIR na walang lehitimong negosyo ang apat na ghost corporation at dahil dito, nalulugi ang gobyerno ng P17.63-B na income tax at P7.91-B na value added tax mula 2019-2021 kabilang na ang surcharges at interests.

Facebook Comments