
Tinawag na useless o walang kwenta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P264 milyong Rock Shed Project sa Kennon Road, Tuba, Benguet.
Batay kasi sa ulat ng lokal na pamahalaan, bumigay ang slope protection ng proyekto noong kasagsagan ng Bagyong Emong at malalakas na ulan nitong Hulyo, dahilan para masira ang istruktura at pansamantalang isara ang isang bahagi ng Kennon Road, na isa sa mga pangunahing daan papasok at palabas ng Baguio.
Ayon sa Pangulo, tila itinapon lamang sa ilog ang milyun-milyong pondo ng gobyerno dahil hindi nagampanan ng proyekto ang layunin nitong protektahan ang kalsada laban sa landslide at rockfall.
Dahil sa kapabayaan, kailangan umano ng gobyerno ng halos P500 milyon para muling ayusin ang istruktura.
Bukod dito, apektado rin ang ekonomiya at kabuhayan ng mga residente dahil tinatayang bumaba ng hanggang 35% ang kita ng mga negosyo matapos isara ang daan.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng Pangulo na sampahan ng kasong economic sabotage ang mga sangkot sa proyekto at ang kontraktor nito na 3K Rock Engineering.
Ang naturang proyekto, na may habang 152 metro at dalawang linya, ay sinimulan noong Enero 10, 2023 at idineklarang tapos noong Abril 13, 2025.









