HIGIT P200,000 HALAGA NG SUBSTANDARD PRODUCTS, SINIRA

Ipinasagasa sa pison ang nasa 2,745 na piraso ng mga sub-standard na produkto na nagkakahalaga ng nasa P261, 849 mula sa iba’t ibang establisyimento sa Lalawigan ng Isabela.

Isinagawa ito kahapon sa Community Center ng Brgy.Lullutan sa Lungsod ng Ilagan na sinaksihan ng ilang miyembro ng City Environment and Natural Resources Office ng Ilagan, Commission on Audit (COA) at mga opisyal ng nasabing barangay.

Kabilang sa mga produktong sinira ay mga electric fan, electric kettle, blender, mixer, lighter, baterya ng motor, at interior ng gulong.

Ayon kay Ginoong Elmer Agtaro, Chief Trade and Industry Development Especialist ng DTI Isabela, nakumpiska ang mga nabanggit na uncertified na produkto mula sa Lungsod ng Santiago at Cauayan at sa mga bayan ng Echague at Alicia.

Aniya, karamihan sa mga nakumpiskang produkto ay mula pa sa ibang bansa tulad ng Thailand at China na hindi aniya pumasa sa pamantayan ng Bureau of Philippine Standard.

Sinabi nito na para malaman na sertipikado ang mga produktong ibinebenta sa merkado, kinakailangang mayroong nakadikit na sticker ng ICC o Import Commodity Clearance at PS sa naturang produkto.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Agorto ang mga mamimili na tangkilikin lamang ang mga produkto na pasok sa standard ng DTI dahil ang pagbili aniya ng mga hindi sertipikadong produkto ay maaaring magresulta ng kapahamakan at hindi inaasahang insidente.

Samantala, nagbabala rin si Agorto sa mga supplier na huwag nang magbenta ng mga sub-standard products dahil hindi aniya titigil ang DTI na manghuli sa mga lumalabag.

Facebook Comments