Nasa P305 billion ang hinihinging alokasyon ng pamahalaan para sa flood control sa susunod na taon.
Ayon kay Budget Sec. Amenah Pangandaman, ang pondo ay hahatiin sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na magpapatupad ng mga proyekto at programa sa ilalim ng 2025 proposed national budget.
Mapupunta sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang P302 billion, habang hahatiin sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) ang natitirang pondo.
Samantala, hindi naman masagot ni Pangandaman kung maiiwasan na ang mga pagbaha sa pamamagitan ng naturang pondo dahil si DPWH Sec. Manny Bonoan lang aniya ang makasasagot nito.
Pero, ayon kay Pangandaman, hindi one-time projects ang gagawin ng gobyerno na kinabukasan ay makikita agad ang resulta.
Mahalaga aniya na namumuhunan na ang gobyerno ngayon pa lamang sa imprastraktura na nakasaad sa binabalangkas na masterplan ng pamahalaan.