Higit P35 milyong halaga ng Agroforestry Support Facilities ng DENR Region 2, Ipinagkaloob sa LGU Nueva Vizcaya

Cauayan City, Isabela- Ipinasakamay na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Cagayan Valley ang P35.9 milyong halaga ng agroforestry support facilities sa local government units at mga organisasyon sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Tatlong infrastructure projects ang itinayo sa ilalim ng Forestland Management Project (FMP), at ito ang watershed rehabilitation project mula sa loan agreement sa pagitan ng gobyerno at Japan International Cooperation Agency (JICA).

Kinabibilangan ito ng Carolotan Access Road with Reinforced Concrete Deck Girder Bridge at Reinforced Concrete Box Culvert na itinayo sa Barangay Carolotan, Dupax del Sur sa lalawigan.


Ipinasakamay din ang 1.52 -kilometer Lazar-Kalinga Access Road sa LGU Dupax del Sur at sa grupo ng Palabotan Agroforest Development Association Inc.

Kaugnay nito, tinanggap din ng LGU Kayapa ang katatapos na proyektong Binalian Pathway kasama ang Mapayao-Binalian Forestland Management, Inc.

Inihayag naman ni DENR Regional Executive Director Gwendolyn C. Bambalan na ang agroforestry support facilities ay naglalayong masiguro ang survival reforestation, agroforestry, fuelwood at coffee plantations mula sa mga nasimulan ng nasabing mga asosasyon.

Aniya, paraan din ito upang mapabuti ang kondisyon ng ekonomiya sa mga upland communities para mapadali ang pagbiyahe mula sa bukirin hanggang palengke.

Umapela naman si Bambalan na seryosohin sana ang implementasyon ng mga proyekto para sa pagpapanumbalik ng kagubatan at maiwasan ang epekto ng mga kalamidad.

Ayon naman kay Provincial Environment and Natural Resources Officer Edgar T. Martin, kabuuang 29 infrastracture projects ang nakumpleto na at naipasakamay sa mga LGUs at partner organizations sa mga bayan ng Ambaguio, Dupax del Norte, Dupax del Sur, Kayapa at Kasibu habang maidadagdag pa ang anim (6) na pasilidad sa susunod na taon.

Facebook Comments