Higit P350-B, inilaan ng pamahalaan bilang COVID-19 response fund – DBM

Nakapagpakawala na ang Department of Budget and Management (DBM) ng P356.86 billion sa iba’t ibang government agencies at departments para sa nagpapatuloy na relief efforts at COVID-19 response ng pamahalaan.

Ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado, ang kabuuang P353,860,215,840.25 ay nai-release as of May 28, 2020 para suportahan ang iba’t ibang COVID-related interventions ng mga sangay ng pamahalaan.

Sinabi ni Avisado na ito ay naisakatuparan dahil na rin sa Bayanihan to Heal as One Act kung saan binibigyan ng kapangyarihan ng kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-realign, magre-allocate at magre-program ng 2020 national budget.


Sa nasabing halaga, higit sa P246 billion ang mula sa pooled savings habang nasa P96 billion  naman ang mula sa unprogrammed appropriations at higit sa P10 billion ay mula sa reprogramming ng mga  existing programs, activities at mga proyekto.

Nakakuha ng pinakamalaking pondo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)  na P100 billion para sa kanilang Social Amelioration Program.

Sinundan ito  ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mayroong P1.5 billion para sa kanilang COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP;  P30 billion naman ang alokasyon para sa LGUs’ Bayanihan Grant for Cities and Municipalities; higit P6 billion sa LGUs’ Bayanihan Grant for Provinces habang  P1.9 billion ang napunta sa Department of Health (DOH) para ipambili ng mga detection kits at iba pa.

Facebook Comments