Posibleng magamit na bago mag-Disyembre ang mga cash card na naglalaman ng fuel subsidy para sa mga Public Utility Jeepney (PUJ) drivers na lubos na apektado ng magkakasunod na oil price hike.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Regional Director for National Capital Region o NCR Atty. Zona Russet Tamayo na kasalukuyan nang tinatapos ng LandBank at anumang araw ay maaari na itong makuha ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Nabatid na nasa 136,000 ang mga benepisyaryo ng fuel subsidy kung saan 85,000 dito ang aktibo at higit 50,000 pa ang target na mabigyan ng cash card sa buong bansa.
Ayon pa kay Atty. Tamayo, nakapag-umpisa na ang LTFRB na magbigay ng P7,200 per unit na fuel subsidy nitong Miyerkules.
Samantala, mahigpit naman nitong paalala sa mga tsuper ng jeep na laan lamang ito para sa fuel subsidy at hindi maaaring i-withdraw o gamitin sa iba ang perang inilaan ng pamahaalaan para sa naturang programa.