
Inaprubahan ng National Economic and Development Authority o NEDA board ang higit P70 billion na halaga ng proyektong imprastraktura sa ilalim ng Marcos administration.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ika-25 pulong ng NEDA Board.
Sa nasabing pulong, inaprubahan ang Panahon ng Pagkilos: Philippine Community Resilience Project (PCRP) ng Department of Social Welfare and Development, na nagkakahalaga ng halos P57 billion.
Suportado rin ito ng World Bank at inaasahang pakikinabangan ng higit 4 na milyong pamilya sa 500 munisipalidad sa bansa.
Sa ilalim nito, hahayaan ang mga lokal na komunidad na magplano at magpatupad ng mga solusyong angkop sa kanilang pangangailangan habang pinalalakas ang kakayahang maging matatag at makabangon mula sa krisis lalo na sa kalamidad.
Bukod dito, aprubado na rin ang P13.9 billion Tumauini River Multipurpose Project ng National Irrigation Administration sa Isabela.
Gayundin ang hiling na baguhin ang saklaw, halaga at implementation period ng Balog-Balog Multipurpose Project Phase II, at ang pagbabago rin sa saklaw ng reallocation ng loan proceeds para Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project.
Ayon sa NEDA, ang mga proyektong ito ay sumasalamin sa patuloy na pagpupursigi ng pamahalaan na isulong ang pangkalahatang pag-unlad.