HIGIT P700K NA LAMAN NG ISANG ATM SA ISABELA, NATANGAY; MGASUSPEK, DUMAAN SA TUNNEL

Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot sa P714,000.00 na laman ng isang Automated Teller Machine (ATM) sa isang branch ng Producer’s Bank ang nalimas ng apat (4) na suspek matapos makapaghukay ng tunnel na kanilang nagsilbing daanan patungo sa loob ng bangko sa barangay Magsaysay, Cordon, Isabela.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, hepe ng Cordon Police Station, gumawa ng butas ang mga suspek mula sa isang bahay patungo sa isang drainage canal at sila’y gumawa ng tunnel patungo naman sa likod ng target na ATM.

Nabatid lamang ang insidente nang mabuksan ng isang security guard ang binabantayang bangko at nakita ang isang hukay sa loob ng kanilang opisina partikular sa Managers office.

Dito na nakita na niransak ng mga suspek ang kanilang ATM at nilimas ang mga lamang pera.

Agad namang isinumbong ng isang empleyado ng bangko sa himpilan ng pulisya ang naturang panloloob na kaagad din tinugunan ng kapulisan.

Ayon pa sa Hepe, planado aniya ng mga suspek ang panloloob sa bangko dahil malinis ang kanilang mga ginawang pagnanakaw.

Pinag-aaralan na rin aniya nila ang kuha ng CCTV Camera ng bangko at sa lugar para sa kanilang imbestigasyon.

Ibinahagi ng hepe na mayroon na silang gabay at impormasyon kaugnay sa pagkakakilanlan ng mga salarin kung kaya’y patuloy ang kanilang isinasagawang pagsisiyasat para sa tuluyang ikadarakip ng mga suspek.

Facebook Comments