Mahigit P700,000 relief at financial assistance na ang naipamahagi ng gobyerno sa mga pasahero ng nasunog na MV Lady Mary Joy 3 sa Baluk-baluk Island, Basilan noong Miyerkules.
Ayon kay Defense chief Carlito Galvez Jr., pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development at ng provincial government ng Basilan ang pamamahagi sa P640,000 na tulong pinansyal at mahigit P71,000 relief goods sa mga biktima.
Nagsagawa rin ang DSWD ng psychological intervention sa mga survivors na kasalukuyang nanunuluyan sa DSWD Home for Women sa Mampang, Zamboanga City.
Samantala, ayon kay Galvez, hanggang kahapon, April 1, aabot na sa 28 ang naitalang nasawi sa trahedya, 32 ang nawawala habang 227 ang nailigtas.
Nagkasa na rin ng imbestigasyon hinggil sa insidente ang Maritime Industry Authority o MARINA.