HIGIT P8.3 MILYON HALAGA NG ILEGAL NA DROGA, NASAMSAM SA ILOCOS REGION NOONG AGOSTO

Nakasamsam ang Police Regional Office 1 (PRO-1) ng tinatayang PHP8.3 milyon halaga ng ilegal na droga sa iba’t ibang operasyon sa rehiyon ng Ilocos noong buwan ng Agosto, ayon sa opisyal na ulat nitong Huwebes.

Ayon sa datos ng PRO-1, kabilang sa mga nakumpiska ang 668 gramo ng tuyong dahon ng marijuana, 10,250 fully grown na tanim ng marijuana, 1,000 marijuana seedlings, at 899.66 gramo ng hinihinalang shabu. Isinagawa ang mga ito sa kabuuang 156 anti-illegal drug operations sa rehiyon.

Sa mga operasyon, 182 katao na sangkot umano sa ilegal na droga ang naaresto.

Inihayag ng PRO-1 na naging matagumpay ang mga operasyon sa tulong ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, iba pang ahensya ng gobyerno, at mga komunidad. Pinasalamatan din ng pamunuan ang mga residente sa patuloy na pagbibigay ng impormasyon at pakikiisa sa kampanya kontra droga.

Patuloy umano ang maigting na kampanya ng PRO-1 laban sa ilegal na droga sa rehiyon, katuwang ang iba’t ibang sektor ng lipunan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments