Higit P8-M halaga ng high-grade marijuana mula sa Amerika, nasabat; Dalawa, arestado

Nasakote ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang dalawang indibidwal na tumanggap ng parcel na naglalaman ng 8.2 milyong pisong halaga ng high-grade marijuana.

Nakilala ang mga nadakip na sina Van Joshua Magpantay at Johnyengle Hernandez na nadakip sa loob ng isang vape shop sa Lipa City, Batangas matapos tanggapin ang nasabing padala.

Sa inilabas na report ng BOC, dumating ang parcel sa pamamagitan ng FedEx sa Pasay City at nagmula ito sa isang Nina Manual na residente ng California, USA.


Napag-alaman na idineklara ang parcel bilang mga musical instruments at nakapangalan sa isang Dimitria Escalona na residente ng Batangas.

Lumabas sa pagsusuri na ang parcel ay may lamang dalawang vacuum sealed transparent plastic na may lamang 5,129 gramo ng high-grade marijuana.

Kasalukuyan namang nasa kustodiya na ng PDEA ang dalawang naaaresto gayundin ang marijuana na nakuha sa kanila.

Facebook Comments