Kumpiyansa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kaya na nitong linisin sa illegal drugs ang nalalabing 18,712 drug-affected barangays sa taong 2022.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ang nasabing mga barangay ang kumakatawan sa 44.5 percent sa kabuuang 42,045 barangays sa bansa na aktibo pa ang operasyon ng illegal drugs.
Sa kabuuang 18,712 drug-affected barangays, 7,817 ang classified bilang slightly affected, 10,616 naman ang moderately affected, habang ang 279 barangays ang seryosong apektado.
Sinabi pa ni Aquino ang National Capital Region (NCR) ang may highest rate ng barangay drug-affectation, sumunod ang Region 7; Region 5; Region 3 at Region 4-A.
Ang mga rehiyon na bahagya lamang na apektado ng illegal drugs ay ang Cordillera Administrative Region; Region 8 at Caraga Region.
Base sa datus ng PDEA kabuuang 14,922 barangays na ang ideneklarang ‘cleared’ sa illegal drugs mula July 1, 2016 hanggang September 30, 2019.