Iginiit ni Senator Leila de Lima sa gobyerno, pati sa susunod na administrasyon, na pag-ibayuhin pa ang paghahanda laban sa posibilidad na higit pang paglobo ng mga aktibong kaso ng COVID-19.
Tinukoy ni De Lima ang babala ng World Health Organization (WHO) na hindi dapat ipagwalang bahala ang mabilis na pagkalat ng Omicron variant dahil pwedeng mayroon na namang lumitaw na bagong variant.
Ayon sa opisyal, mahalagang bahagi ng paghahanda ang paglalaan ng sapat na pondo para sa lahat ng programang tumutugon sa pandemya.
Pangunahing tinukoy nito na dapat tiyaking may pondo ang pagpapatuloy ng pagbabakuna, testing, contact-tracing, isolation, social amelioration at livelihood assistance para sa mga apektado.
Dahil patuloy ang pag-mutate ng virus ay iminungkahi ni De Lima sa pamahalaan na paghandaan ang pagbili at epektibong roll out ng mas pinahusay na mga bakuna.
Binanggit din nito ang pahayag mula sa WHO Technical Advisory Group on COVID-19 Vaccine Composition na maaring hindi na maging akma ang booster doses ng mga orihinal na COVID-19 vaccines dahil sa pagsulpot ng mga bagong variant.
Diin ni De Lima, uusad pa rin ang ating ekonomiya habang tumutugon sa pandemya basta tama, maagap, responsable at nakabase sa siyensya ang ating paghahandaa at hindi idinadaan lang sa dahas o padalos-dalos na pasya.