HIGIT PHP1 BILYON PINSALA, NAITALA SA LA UNION DAHIL KAY BAGYONG EMONG

Umabot na sa mahigit PHP 1 bilyon ang kabuuang pinsala sa imprastraktura at agrikultura sa La Union dulot ng Bagyong Emong, ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Tinatayang PHP 1.1 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang PHP145.6 milyon naman ang nasira sa agrikultura. Dagdag pa rito, umabot sa PHP4.7 milyon ang pinsala sa mga alagang hayop at manok.

Apektado ang humigit-kumulang 215,000 indibidwal mula sa 71,026 pamilya sa 414 barangay sa 19 bayan at lungsod ng lalawigan.

Walang naitalang nasawi, ngunit 15,851 bahay ang nasira at 1,860 ang tuluyang nawasak.

Naibalik na ang suplay ng kuryente sa ilang bayan, habang nagpapatuloy pa ang restoration efforts sa iba pang lugar.

Dahil sa matinding pinsala, isinailalim sa state of calamity ang La Union noong Hulyo 26 sa pamamagitan ng resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan.

Umabot na sa 9,000 family food packs ang naipamahagi ng pamahalaang panlalawigan, katuwang ang mga lokal na pamahalaan. Pinangunahan din ng gobernador ang aerial inspection at inatasan ang mga kinauukulan na pabilisin ang clearing operations sa mga apektadong lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments