Higit sa 11,000 foreign nationals na sangkot sa POGO, nakatakdang ipatapon palabas ng bansa

Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang nasa 11,254 foreign nationals na sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO operations sa bansa.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, sa 33,863 empleyado ng POGO na nasa ilalim ng PAGCOR, 24,779 lang ang nag-downgrade ng kanilang visa.

Sa datos pa ng BI, aabot sa 22,609 ang nakaalis na bansa bago ang deadline noong December 31.


Unang sinabi ni Viado na ipinatatapon nila ang mga hindi nag-downgrade at hindi umalis ng bansa bago ang deadline, gayundin ang mga nag-downgrade ngunit nabigo pa ring umalis.

Idinagdag niya na obligado rin ang mga kompanya na isuko ang kanilang mga POGO worker na nananatili sa bansa, at nagbabala na kung tatangkain nilang itago ang mga ito, maaari silang kasuhan ng BI.

Tiniyak ng BI na paiigtingin ang paghahanap laban sa mga dayuhan na sumusuway kung saan ipade-deport at isasama nila sa blacklist ang mga ito alinsunod sa utos ng Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Facebook Comments