Umabot na sa 649 indibidwal, kabilang ang nasa 260 elected officials ang nahaharap sa kaso kaugnay ng anomalya sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) cash subsidy.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na ang mga ito ay nakasuhan dahil sa iba’t ibang alegasyon sa pamimigay ng 1st tranche ng SAP.
Habang ang nasa 260 ay pawang mga local officials o public officials na kinabibilangan ng barangay kapitan, kagawad o kaya’y municipal councilor.
Paliwanag pa ni Malaya, naisampa na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga kaso sa korte habang nakapagpalabas na rin ang DILG ng show cause order laban sa ilang government officials.
Maliban dito, maaari ring magsampa ng reklamo ang DILG sa Office of the Ombudsman laban sa mga tiwaling opisyal.
Sa panig naman ng Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na wala pa silang natatanggap na ulat na may nakakubra na ng P30,000 na pabuya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga indibidwal na makakapagsumbong laban sa mga tiwaling opisyal na nagbubulsa ng pondo ng SAP.
Matatandaang isang barangay kagawad ng Hagonoy, Bulacan ang nakatikim ng sermon at mura mula mismo kay Pangulong Duterte dahil sa paghingi nito ng parte ng SAP sa mga benepisyaryo sa kanilang barangay.