Higit ₱17-B na kita mula sa buwis ng digital transaction services, inaasahan ng isang senador

Umaasa si Senate Committee on Ways and Means Chairman Senator Sherwin Gatchalian na higit ₱17 billion sa isang taon ang kitang makokolekta ng gobyerno kapag naisabatas at naipatupad na ang pagpapataw ng 12% value added tax (VAT) sa mga digital service transaction tulad ng mga foreign streaming platform at e-commerce apps.

Ayon kay Gatchalian, batay sa tantya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na 70% collection efficiency, aabot sa ₱17.6 billion ang dagdag na kitang makokolekta sa buwis kapag nasimulan nang masingil ang mga digital service provider.

Tiwala ang senador na higit pa rito ang makokolekta ng pamahalaan dahil posibleng marami ang magparehistro para maging ligal at maipagpatuloy ang kanilang online services sa bansa.


Paglilinaw ni Gatchalian, ang pagbabayad ng buwis ng mga digital o online service providers ay hindi na bago sa bansa dahil ang mga domestic companies na nag-o-operate tulad ng VivaMax, iWant TV, GCash, Maya at iba pa ay nagbabayad ng 12% VAT.

Giit ni Gatchalian, hindi naman tama na ang mga digital companies sa bansa ay nagbabayad ng buwis sa gobyerno para ligal na makapag-operate pero ang mga foreign digital services tulad ng Netflix, Amazon, YouTube, Alipay, WeChat at iba pa ay nakakalibre.

Sa ginawa ring konsultasyon ni Gatchalian, payag aniya ang mga korporasyon na magbayad ng VAT at sumunod sa batas ng bansa.

Tinukoy pa ng senador na sa 11 bansa sa ASEAN, pito na rito ang may ipinatupad na sistema na paniningil ng VAT sa mga digital service transaction.

Facebook Comments