Umabot sa mahigit ₱2.5 bilyon ang halaga ng monetary benefits na naibigay sa mga manggagawa matapos ang mga naresolbang labor dispute sa Ilocos Region noong 2025, ayon sa Department of Labor and Employment Region 1 (DOLE RO1).
Batay sa datos ng DOLE RO1, kabuuang 423 Requests for Assistance (RFA) ang kanilang nahawakan sa ilalim ng Single Entry Approach (SEnA) sa iba’t ibang field offices noong nakaraang taon.
Sa bilang na ito, 407 kaso ang matagumpay na naayos, na katumbas ng 96.22 porsiyentong settlement rate.
Sa pamamagitan ng mga napagkasunduan sa SEnA, may 977 manggagawa ang nakinabang at nakatanggap ng kabuuang higit ₱2.53 bilyon bilang bayad at benepisyo.
Layunin ng mekanismong ito na maresolba agad ang mga isyu sa paggawa sa pamamagitan ng dayalogo at pagkakasundo, nang hindi na dumaraan sa mahabang proseso ng paglilitis.
Iniulat din ng DOLE RO1 na 418 RFAs ang ganap na naresolba noong 2025, na may 98.82 porsiyentong disposition rate, bilang patunay ng mabilis na pag-aksyon sa mga reklamo ng manggagawa.
Patuloy namang binibigyang-diin ng DOLE Region 1 na mahalagang bahagi ang SEnA sa pagtiyak na agad at patas na natutugunan ang mga usaping paggawa, habang isinusulong ang maayos na ugnayan sa pagitan ng mga manggagawa at employer sa rehiyon.










