Higit ₱2-B pondo para sa mga cancer patients, inilaan ng pamahalaan ngayong taon

Naglaan ng higit ₱2 billion pondo ang pamahalaan ngayong taon, para patuloy na maaalalayan ang mga Pilipinong may cancer.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, tuloy-tuloy ang pagtulong ng administrasyong Marcos sa mga may cancer sa ilalim ng Cancer Control Program at Cancer Assistance Fund.

Nasa ₱1.02 billion ang inilaan sa Cancer Control Program, na gagamitin para sa cancer prevention, treatment, at care bilang component ng National Integrated Cancer Control Program.


Bukod dito, naglaan din ang gobyerno ng P1.25 billion para sa Cancer Assistance Fund.

Dagdag pa ni Pangandaman, patuloy na isinusulong ng administrasyong Marcos ang malusog na komunidad at uri ng pamumuhay ng mga Pilipino.

Dahil dito, asahan na patuloy na paiigitingin ng pamahalaan ang paglaban sa ganitong uri ng sakit at maalagaan ang mga pasyenteng may cancer.

Facebook Comments