Umaabot na sa kabuuang ₱389.06 bilyon ang pondong inilabas ng pamahalaan para sa COVID-19 response.
Sa ulat ni Department of Budget and Management (DBM) Wendell Avisado, ang malaking bahagi ng pondo ay inilaan sa programa ng Department of Social Welfare & Development (DSWD) na Social Amelioration Program (SAP) kung saan ₱211.60 bilyon ang pondong naka-allot para sa nasabing programa.
Ang SAP cash subsidy ay matatandaang ipinagkaloob sa 23 milyong mahihirap na pamilya na lubos ng apektado ng COVID-19 pandemic.
Habang ₱51 bilyon naman ang inilaan para sa Department of Finance (DOF) para sa kanilang Small Business Wage Subsidy (SBWS) program.
Nakakuha naman ng ₱48.98 bilyon na pondo ang Department of Health (DOH) para sa kanilang mga programa para sa COVID-19 at procurement ng mga Personal Protective Equipment (PPE) ng mga health workers.
Habang mayroon ding nakalaan para sa Department of Labor and Employment COVID-19 Adjustment Measures Program (DOLE CAMP) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program, Department of Education (DepEd) at Department of Agriculture (DA).
Sa ngayon, ayon kay Avisado, nakahanda na ang ahensya na ilabas ang nasa ₱140 bilyon para suportahan ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 kapag ito ay isa nang ganap na batas.
Layon nitong tulungang makabangon ang ating ekonomiya.