Higit ₱46-B pondo sa ilalim ng Bayanihan 2, naghihintay ng approval mula sa Office of the President para mai-release – DBM

Pending pa for approval ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa ₱46 billion na pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado, hindi nila dine-delay ang paglalabas ng pondo.

Kabilang aniya sa mga nasa listahan ng mga aaprubahang pondo sa Office of the President ang ₱20.5 billion para sa Department of Health (DOH), ₱11.6 billion para sa Department of Agriculture (DA), ₱8 billion para sa Department of Labor and Employment (DOLE), at ₱6 billion para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Paliwanag ng kalihim, nakasaad kasi sa batas na tanging ang Pangulo lamang ang maaaring mag-apruba ng pondo at ang kanila lamang magagawa ay siguraduhin na may pondo ang bawat ahensya ng pamahalaan.

Kasunod nito, iniulat ni Avisado na nakapagpalabas na ang DBM ng ₱4.413 billion sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang tulungang makabawi ang ating mga kababayan maging ang ekonomiya mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments