Manila, Philippines – Paiigtingin pa ng Food and Drug Administration (FDA) ang kanilang kampanya laban sa mga pekeng gamot.
Kasunod na rin ito ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulisya na arestuhin at kasuhan ang mga nagbebenta ng counterfeit drugs.
Ayon kay FDA Director General Nela Charade Puno, dapat magsilbing banta ang direktiba ng pangulo sa mga nagpapakalat at pagbebenta ng pekeng gamot.
Aniya, mahigit P76 million halaga na ng iba’t-ibang klase ng counterfeit drugs ang nasabat ng FDA mula Marso 2017 hanggang Marso 2018.
Kabilang dito ang paracetamol, mefenamic acid, loperamide, anti-arthritis, skin whitening, slimming tea, at anti-impotency drugs at 31 fake drug peddlers na ang kanilang naaresto.
Nagpaalala naman si Puno sa publiko na maging mapagmatyag sa pagbili ng mga gamot at dapat na bibili lamang sa mga lisensyadong drug store.