Hiniling ngayon ng Alliance of Concern Teachers (ACT) sa Department of Education (DepEd) at iba pang mga ahensya ng pamahalaan na mabigyan ng seguridad ang mga guro at school staff na naka-assign sa mga liblib at malalayong paaralan sa bansa.
Ito ay kaugnay sa nangyaring pagpatay sa 23-anyos na grade 6 teacher na si Mylene Durante sa loob ng Oringon Elementary School sa Barangay Oringon, Pio Duran, Albay.
Plano ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na makipag-dayalogo sa DepEd para pag-usapan ang ilang problema ng mga guro kung saan ilan sa mga ito ay kinakailangan pang umakyat sa mga bundok, tumawid ng ilog at sumakay sa mga habal-habal para lamang makarating sa mga paaralan at walang ibinibigay na seguridad ang DepEd.
Kaugnay nito, hiling din nila na mabigyan ng kaukulang aksyon ng pamahalaan at ng mga concerned agencies ang matagal nang problema ng mga guro at bigyan din ang mga ito ng proteksyon.
Matatandaan na sa loob ng principal’s office natutulog ang biktima dahil malayo ang bahay nito at dito ito napatay ng hindi pa pinakikilalang 17-anyos na suspek.