Manila, Philippines – Magtatalaga ang Philippine National Police (PNP) ng mga tauhan sa ARMM na tatayong mga election officers.
Kasunod ito ng pag-aalangan ng mga guro na mag-volunteer sa papalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Superintendent John Bulalacao, iniulat sa kanila ng Commission on Elections (COMELEC) na ayaw na ng mga guro na maging volunteer election officers dahil sa pangamba nila ng panibagong banta ng karahasan sa lugar.
Sinabi ni Bulalacao, kabilang ang ARMM sa kanilang election watch list kung saan nasa 832 barangay nito ang pinababantayan sa mga posibleng political rivalry, presensya ng mga Private Armed Groups (PAGs), aktibidad ng criminal gangs at threat groups, at pagpapakalat ng loose firearms.
Sa ngayon, isinasapinal pa ng PNP ang bilang ng mga tauhan na ipapakalat sa ARMM.