
Aabot sa halos 100 Hijos na pulis ang itatalaga sa Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno sa Enero 9, 2026.
Ayon kay Rev. Fr. Robert Arellano, sasabay ang mga Hijos na pulis sa Traslacion kung saan magsisilbi silang gabay at tagapagbantay upang matiyak ang maayos at ligtas na pag-usad ng andas ng Nazareno.
Nilinaw naman ng pamunuan ng Quiapo Church na ang mga Hijos na pulis ay hindi mangunguna sa Traslacion. Sa halip, tututok sila sa pagbabantay laban sa mga hindi inaasahang insidente, gaya ng agawan ng lubid at biglaang pagsugod ng mga deboto sa prusisyon.
Sinabi rin ni Alex Irasga, adviser ng Nazareno 2026, na magkakaroon ng mga pulis na itatalaga sa itaas ng andas, gayundin sa magkabilang gilid at sa harapan nito.
Dagdag pa niya, ang mga Hijos na pulis ay matagal nang deboto ng Poong Nazareno kaya batid nila ang damdamin at mga kilos ng kanilang kapwa deboto.










