Imbes na ang mga magagaling nating kababayan na imbentor, scientist at iba pang dalubhasa ang umalis sa bansa kinakailangan na hikayatin ng pamahalaan na mamuhunan sa Pilipinas ang mga investor tulad ni Elon Musk, ayon kay Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson.
Aniya, magiging positibo ang pananaw ng mga investor sa teknolohiya hindi lamang ang Tesla CEO na si Musk kung palalakasin ng ating gobyerno ang suporta para sa research and development.
“Kasi kung makita nila may suporta talaga ang gobyerno at marami tayong napalabas o na-enhance na mga talento ng Pilipinas, baka pumunta rito si Elon Musk kasi nandito ‘yung mga talent,” sabi ni Lacson sa “Bakit Ikaw? DZRH Presidential Job Interview” nitong Biyernes.
“Baka mag-invest siya rito. Sa halip na yayayain niya ‘yung ating mga inventors, mga scientists papunta doon sa Amerika at doon—mas gusto niya siguro magtayo ng factory dito sa Pilipinas para ‘yung ating mga kababayan ang gagawa,” dagdag niya.
Pero sabi ng presidential candidate ng Partido Reporma, hindi natin mahihikayat ang mga namumuhunan sa bansa kung mananatiling mababa ang katayuan ng research and development sa Pilipinas.
“‘Yung sinabi kong future-proof strategy… Alam mo ang pinaka-greatest asset ng ating bansa? Our people. Hindi natin naha-harness kaya nag-aalisan,” ani Lacson.
Inilahad ni Lacson na maging noong hepe pa siya ng Philippine National Police ay isinusulong na niya ang pagpapalakas sa research and development dahil naranasan niya ang mga problemang kaakibat ng pagkakaroon ng mababang pondo sa inobasyon at pagpapaunlad ng mga proseso at serbisyo.
“Kaya malaking parte ng mga institutional amendments ko, dagdag na budget para sa research and development. Diyan naman tayo aasenso. It may be long-term, ano, kasi… Pero ang dami nating mga talents, sinasayang natin; nangingibang bansa at ‘yung kanilang mga—kasama sila sa pag-imbento doon, ‘yon ang ating binibili, napakamahal.
“Samantalang nandito na ang homegrown talent natin na pwede nating i-harness sa pamamagitan ng suporta. Ang problema nga 0.4 percent lang e ang nilalagak natin. Baka naman pwedeng taasan natin. Tayo rin ang mag-re-reap ng fruits pagka tayo’y umasenso,” ayon pa kay Lacson.
Ibinigay na halimbawa ni Lacson ang ginagawa ng China na paglalaan ng sapat na pondo para sa research and development na nagbunga ng paglago ng kanilang gross domestic product (GDP).
“Bakit ba napaka-asensado ng China? Ang taas ng kanilang GDP, export sila nang export. Kasi naka-focus sila sa research and development. ‘Yung Huawei lang, alam niyo ba kung ilan ‘yung binabalik nila sa R&D? 15 percent ng kanilang profit, bato nila pabalik sa R&D. Kaya tuloy-tuloy ang teknolohiya nila nagiging competitive,” aniya.