Hiling na armasan ang mga sibilyan, magpapalala sa krimen – kongresista

Manila, Philippines – Kapwa tinututulan nila House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Barbers at House Committee on Security and National Defense Vice Chairman Ruffy Biazon ang hiling ng VACC na payagang armasan ang mga sibilyan ngayong inalis na sa PNP ang pangunguna sa war on drugs.

Katwiran ng VACC, ang pagpayag na armasan ang mga sibilyan ay bilang panlaban sa lumalalang krimen sa bansa.

Giit ni Barbers, hindi siya sangayon sa iminumungkahi ng VACC dahil lalong mawawalan ng kapayapaan sa bansa na maaaring mauwi sa malubhang sitwasyon at paglala ng krimen.


Sa panig naman ni Biazon, wala namang compelling reason o mahigpit na dahilan para payagang armasan ang mga sibilyan.

Maaari lamang itong magbunga ng “gun culture” na kahit sino ay pwede na magmay-ari ng baril at posibleng mahirapan ang mga otoridad sakaling mauwi ito pangaabuso.

Wala din aniyang mataas na kaso ng paggamit ng baril ng mga nasa drug trade laban sa mga sibilyan kaya walang rason para payagan ito ng pamahalaan.

Paalala ng mga mambabatas, hindi maaapektuhan ang trabaho ng PNP na bantayan ang krimen sa bansa ngayong inilipat na sa PDEA ang pangunguna sa kampanya kontra iligal na droga.

Facebook Comments