Hiling na executive clemency para kay Sanchez, ini-refer ni Secretary Panelo sa Board of Pardons and Parole

Lumabas sa pagdinig ng senado ang pag-refer ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa hiling ng pamilya ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na mapagkalooban ito ng executive clemency.

Sa pagdinig ay ipinrisinta ni Board of Pardons and Parole o BPP Executive Director Reynaldo Bayang ang liham ni Panelo na may petsang February 19, 2019.

Ang pagliham sa BPP ay tugon ni Panelo sa hiling ni Marie Antonelvie Sanchez na mapalaya ang kanyang ama na hinatulang guilty sa kasong pagpatay kina Allan Gomez at Eileen Sarmenta na ginahasa rin.


Magugunitang si Panelo ay nagsilbi rin noon na abogado ni Sanchez para sa nabanggit na mga kaso.

Ayon kay Bayang, bukod kay Panelo ay nagpadala rin sa kanila ng liham si Dating Ilocos Norte Representative Imelda Marcos.

Sa pagdinig ng Committee on Justice na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon ay inamin ng asawa ni Sanchez na si Ginang Elvira na marami silang nilapitan at sinulatan para magpatunay sa good moral conduct ng kanyang mister para mabigyan ito ng executive clemency.

Subalit taong 2018 ay ibinasura ng BPP ang hiling na executive clemency ni Sanchez.

Facebook Comments